
Katha ni: Nina Plaus
I. Sinopsis
Hangad ni Lana na mabayaran and kanyang bestfriend na si Reynold sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa nito sa kanya kaya niya pinakasalan ito. Hindi dahil sa pag-ibig, ngunit dahil sa sikreto ni Reynold sa kanyang pagkatao na isa siyang binabae at ang mga utang na loob nito sa kanya magmula ng namatay ang kaniyang mga magulang. Ngunit tadhana nga naman ang nagtakda ng kunin ng langit si Reynold dahil sa malubha nitong sakit. Muling nagbalik ang nakaraan kay Lana, sa katauhan ng una niyang pag-ibig, si Luke. Si Luke ang stepbrother ni Reynold, na nobyo ni Lana noon, at dahil sa isang pagkakataon na naipit si Luke, naghiwalay sila. Lingid sa kaalaman ni Lana at Luke, ang may kagagawan kung bakit sila naghiwalay ay walang iba kundi si Reynold. Nakipagkasundo siya kay Cindy, ang babaeng patay na patay kay Luke, na lasingin ito at pahigahin sa kama upang magmukhang nagsiping ang dalawa. Pinapunta naman ngayon ni Reynold si Lana sa kuwarto ni Luke upang tingnan kung maayos ang lagay nito, ngunit sa kasamaang palad ay iba ang nakita niya, kaya naman nakipaghiwalay siya kay Luke. Matagal na panahon din ang lumipas, ipinanganak ni Lana ang isang batang lalaki. Hindi alam ni Luke na siya pala ang ama ng anak ni Lana at Reynold. Nang mamatay si Reynold, inihabilin niya kay Lana na naubos na ang kanyang kayamanan sa pagpapagamot at dapat siyang magpakasal kay Luke. Napaisip siya na para rin ito sa kinabukasan ng anak nila. Kaya naman ay di nagtagal, nagpaksal sila sa munisipyo. Nang lumaon, nagkalinawan silang dalawa sa lahat ng nangyari, na hindi gusto ni Luke si Cindy at namuhay siya sa America noon nang hindi maganda dahil desperado siyang balikan si Lana, ang tunay na mahal niya. Si Lana naman ay pinatawad na si Reynolds a kanyang mga nagawa at tinanggap si Luke ng buong puso.
II. Pagsusuri
Ito ay maituturing na isang klase ng “Readerly” na nobela dahil and teksto ay simple kung basahin, at ang mga mambabasa ay hindi na kailangan pa ng “word production” na tinatawag. Ang mga ganitong klase ng nobela ay madalas nakabase sa totoong mga pangyayari. Hindi na kailangang maging isang mahusay na manunulat na sumusunod sa mga prinsipyong pampanitikan upang makapagsulat ng ganitong uri ng teksto. Ito rin ay isang “realist” na nobela kung matatawag, dahil ang mga makatotohanang nobela ay parang mga salamin na maaring silipin ng isang mambabasa kung papaano maaaninag ang isang ordinaryong mundo sa kanyang perspektiv. Ito ay isang produkto na kung saan ang mambabasa ay maaring iligaw ang sarili sa buhol ng mga buhay ng mnga karakter. Ang mga kuwento ay inalis sa mga sosyolohikal na obserbasyon,ngunit naibigay ang kalayaan sa manunulat upang gawin ang nobela. Ang ,manunulat ay kulong sa ordinaryong apat na dimensional na mundo(maliban na lamang sa pagmamanipula ng oras at lugar, at sa paglipat lipat ng espasyo ng pagkukuwento at ang mga karakter ay kailangan pa rin na sumunod sa mga batas ng lohika at siyensya). Bagaman, kayulad ng mga teorya ng “social anthropology”, ang mga datos ay maaring maging buo at bilog na nagagawa ng manunulat na itulak ang patutunguhan ng istorya sa resolusyon na palagi ay nagprepresinta ng mga problema, dahil sa isang ordinaryong mundo, ang mga pangyayari ay hindi palaging nareresolba ng tama tulad ng karamihan sa mga nobela ng parehong kalikhaan. Isa pa, ang mga ganitong uri ng nobela at nakikipagbanggaan sa kaguluhan ng mundo ngayon, ang isang manunulat ay makakaharap ang mga problema ng ordinaryong tao sa pagpapanatiling makatotohanan ng kanyang nobela.
Ito ay isinulat sa paraang impormal. Ang estilo ng nobela ay umiikot sa pinaghalong Tagalog at Ingles o Taglish. Ang awtor ay gumamit ng mga salita na maiintindihan ng nakararami. Gaya ng mga salitang hindi kolokyal at slang na mas maipaparating ang gustong sabihin. Tulad ng mga “in” na salita ngayon ng mga kabataan at kababaihan, dahil sila marahil ang palaging nagbabasa ng mga ganitong uri ng mga nobela. Napansin ko din na hindi naman sa lahat ng mga pangungusap ay puro na lamang slang na lenggwahe ang kaniyang ginamit. Gumamit din siya ng karamihan ay mga pormal na salitang Filipino na hindi malalim at madaling intindihin. Ito rin ay nagdidikta ng “status quo” ng isang tao, maari itong kutyain bilang “jologs” at baduy, ngunit ito ay importanteng paglilinang ng mga artistikong talento ng mga Pilipino ngayon. Oo nga at malayo ito kina Nick Joaquin at Amado Hernandez at iba pang manunulat na naturingan na nating diyos ng Panitikang Pilipino, ngunit ito ay unti-unti nang nagiging bahagi ng kultura lalo na sa ating mga kababayan na kabilang sa “lower class” o mga manggagawa. Ngunit hindi natin masisisi ang pagkalibang ng mga ito, dahil ang mga nobela ay nagdadala sa kanila kung saan ang mundo na kanilang ginagalawan ay maaring maging mas kaaya-aya kaysa sa kung nasaan sila ngayon. Ito ay may paraan upang itaas ang kanilang mga pag-asa na umangat sa buhay at iangat din ang kanilang moral na pagtingin sa kanilang kalagayan. Nagsisilbi ang mga nobelang ito na ebidensya na ang mga Pilipino ay sadyang melodramatiko at mahilig sa mga imposibleng bagay. Patunay na napakayaman at napakalawak ng ating mga imahinasyon sa larangan ng pagsulat. Ang mga maiiksing nobelang tulad nito ay naturingan nang kasangkap ng kontemporaryong panitikan ng Pilipinas.
III. Kongklusyon/Rekomendasyon
Bibigyan ko ito ng dalawang star, dahil may mga grammatical errors sa paggamit niya ng Ingles. Ang paggamit niya ng tagalog ay maayos at madaling intindihin. Taliwas sa mga nobelang malikhain tulad ng “Mga Ibong Mandaragit” o “Bulaklak ng Maynila”. May mga sitwasyon din sa kuwento na mapapansin na inilagay lamang upang pahabain ang kuwento. Mairerekomenda ko na baguhin ang ibang mga sitwasyon upang mas maging makulay ang kuwento at hindi magmukhang “trying-hard” ang manunulat. Ang nobela ay simple at magandang pampalipas oras, lalo na sa mga taong hindi gaanong gusto ang magbasa sa Ingles. Sa kabuuan, isa itong likhang sining sa paraan na mas nagiging malikhain ang pagsulat nila nang nababatay sa tunay na buhay o mga karanasan na hango dito.
Maaring mang may halong pagka-“subjective” ng kongklusyong ito, ngunit sa totoo lamang, napapabilib ako sa mga manunulat na kayag tumapos ng isang nobela gaano man ito kaiksi o kaya’y kung anu pa man ang nilalaman nito. Nagustuhan ko ang element ng surpresa sa akdang ito, na mahirap ilagay sa isang nobela. Bagaman hindi gaanong malalim ang interpretasyo at masyadong literal at realistiko ang pagkakaporma, hidni naman ito nagging hadlang sa pagbabalik ng mga alaala ng mga nakagiliwan ng “telenovela” sa telebisyon. Hindi ito nalalayo sa mga melodramatiko at minsan ay eksaheradong mga eksena ng sining ng pelikula, maari na itong gawing isang maikling episode ng “Maala-ala mo kaya”.
Sa pangkalahatan, ang nobela ay kulang lamang sa tinatawag na “proof-reading” at “editing”. Ngayon, sa sobrang pagkalat ng mga nobelang ito, may sarili pa itong seksyon sa ating mga “bookstore” at kung anu ano pang gimik ng pagpapalit at hiraman sa ating mga kababayan. Ang masasabi ko lamang ay, hindi kailangang maging “subject” ang mga ganitong uri ng nobela sa pang iskolastikang panunuri dahil masyado itong literal at realistiko, ngunit sa kabilang dako, ito pa nga rin ay pampanitikang Pilipino.
Mahusay na nagampanan ang hamon ng pag-aanalisa! 100%
ReplyDelete